Mga Bakuna
Huling na-update Mayo 22, 2023 sa 10:49 AM
Welcome sa bagong tahanan ng Vaccinate ALL 58 (Bakunahan ang LAHAT ng 58)! Makikita mo rito ang lahat na impormasyong kailangan mo tungkol sa mga bakuna sa COVID-19.
Awtorisado ng FDA ang ikalawang bivalent na booster para sa lahat na may edad 65 pataas, gayundin ang mga may mahihinang immune system. Matuto pa sa ibaba o i-book ang iyong appointment ngayon.
Magpabakuna – ligtas, mabisa, at libre ito. Ang pagpapabakuna ay isang mahalagang instrumento para mawakasan ang pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa page na ito:
- Paano magpabakuna
- Sino ang puwedeng magpabakuna
- Paano umeepekto ang mga bakuna laban sa COVID-19
- Mga bakuna at variant
- Mga booster shot at karagdagang dosis
- Digital na talaan ng bakuna
- Mga side effect
- Mga tanong at sagot
Paano magpabakuna:
My Turn
Tingnan ang myturn.ca.gov o tumawag sa 1-833-422-4255 para magpa-appointment o maghanap ng lugar kung saan puwedeng mag-walk in na malapit sa iyo.
Vaccines.gov
Gamitin ang Vaccines.gov ng CDC para mag-book ng appointment o maghanap ng lugar na tumatanggap ng mga walk-in na malapit sa iyo.
Puwede ka ring magtanong sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan o sa lokal na parmasya.
Sino ang puwedeng magpabakuna
Puwede magpabakuna nang libre ang sinumang Californian na 6 na buwang gulang pataas.
Hindi mahalaga rito ang iyong status sa immigration o insurance. Walang magtatanong tungkol sa iyong status sa immigration kapag nagpabakuna ka.
Paano umeepekto ang mga bakuna laban sa COVID-19

Napakabisa ng mga bakuna sa pagpigil sa mga malalang sakit dahil sa COVID-19. Nakakatulong ang mga ito na maiwasan ang pagpapaospital at pagkamatay.
Tinuturuan ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang ating mga immune system kung paano labanan ang virus na nagdudulot ng COVID-19. Puwede ka pa ring magkaroon ng COVID-19 pagkatapos ng pagpapabakuna, pero mas malamang na hindi maging malubha ang iyong mga sintomas. Nakakatulong ang mga ito na maiwasan ang pagpapaospital at pagkamatay.
Ang alam namin
- May kakayahan ang mga bakunang pigilan ang karamihan ng pagkakaospital at pagkamatay na nauugnay sa COVID-19.
- Mabisa ang mga bakuna laban sa COVID-19 sa maraming variant ng virus.
- Ang mga taong mahihina ang immune system ay mas malamang na makaranas ng mas malalalang sintomas ng COVID-19, kahit nabakunahan na.
Ano ang natututunan pa natin
- Gaano katagal epektibo ang proteksyon ng bakuna laban sa COVID-19
Kapag nabakunahan ka na
Ginagawa ng pagpapabakuna na mas ligtas na makabalik sa mga aktibidad na hilig mo. Patuloy na panatilihing mas ligtas ang lahat sa pamamagitan ng pananatiling maalam tungkol sa mga lokal na rekomendasyon sa pampublikong kalusugan.
Magbasa pa mula sa CDPH:
Mga bakuna at variant
Napatunayan nang napakabisa ng pagpapabakuna laban sa mga variant ng COVID-19. Ang pinakamainam nating gawin upang protektahan ang ating mga sarili mula sa pagkakasakit dahil sa COVID-19 ay:
- Magpabakuna
- Kumuha ng (mga) booster kung kwalipikado ka
Simula noong Abril 18, 2023, pinahintulutan na ng FDA ang paggamit sa mga updated (na bivalent) na bakuna ng Moderna at Pfizer para sa lahat ng dosis na ibinibigay sa sinumang may edad na 6 na buwan pataas. Hindi na pinapahintulutan ang paggamit sa mga orihinal (na monovalent) na bakuna.
Ang kailangan mong malaman
Mga taong nabakunahan na
- Ang karamihan ng mga taong nakakuha sa orihinal na bakuna laban sa COVID-19, pero hindi pa nakakatanggap ng dosis ng bivalent na bakuna ay kwalipikadong makatanggap ng isang dosis ng bivalent na bakuna.
- Sa kasalukuyan, hindi kwalipikado para sa isa pang dosis ang karamihan ng mga taong nakatanggap na ng isang dosis ng bivalent na bakuna.
- Ang mga taong may edad na 65 pataas na nakatanggap na ng isang dosis ng bivalent na bakuna ay puwedeng makatanggap ng isa pang dosis, hindi bababa sa apat na buwan pagkatapos ng una nilang dosis.
- Ang mga taong may mahinang immune system na nakatanggap na sa bivalent na bakuna ay puwedeng tumanggap ng isa pang dosis, hindi bababa sa dalawang buwan pagkatapos ng una nilang dosis, nang may pag-apruba ng doktor. Para sa mga indibidwal na may mahinang immune system na may edad na 6 na buwan hanggang 4 na taon, dedepende ang pagiging kwalipikado nila sa mga dagdag na dosis sa bakunang una nilang natanggap.
- Ang mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon na nakatanggap na ng isa, dalawa, o tatlong dosis ng monovalent na bakuna ay dapat makatanggap ng isa hanggang dalawang dosis ng bivalent na bakuna, nang may pag-apruba ng doktor. Dedepende ang bilang ng inirerekomendang dosis sa bakunang dati nilang natanggap at sa bilang ng mga natanggap na dosis.
Mga taong hindi pa nababakunahan
- Dapat kumuha ang karamihan ng mga nasa hustong gulang na hindi pa nababakunahan ng isang dosis ng bivalent na bakuna. Hindi kinakailangan ng maraming dosis.
- Ang mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon na hindi pa nababakunahan sa kasalukuyan ay puwedeng tumanggap ng:
- Dalawang dosis na serye ng bivalent na bakuna ng Moderna (para sa mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon) O
- Tatlong dosis na serye ng bivalent na bakuna ng Pfizer (para sa mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 4 na taon)
- Puwedeng tumanggap ang mga batang may edad na 5 taon ng dalawang dosis ng bivalent na bakuna ng Moderna at isang dosis ng bivalent na bakuna ng Pfizer.
Mga variant
Tingnan ang mga variant na mayroon ngayon sa California.
Higit pang impormasyon tungkol sa mga variant ng COVID-19 mula sa CDPH:
Mga booster shot at karagdagang dosis
Updated na booster shot
Available na ang updated na booster shot para sa lahat ng edad na 6 na buwan pataas, kung kwalipikado.
Ang updated na booster na ito ay magpapalakas sa immunity laban sa orihinal na strain ng COVID-19. Proteksyon din ito laban sa mga bagong Omicron variant.
Kumuha kaagad ng booster shot kapag kwalipikado ka nang kunin ito:
- Dapat kunin ng lahat ng may edad na 5+ na nakatanggap sa monovalent na pangunahing serye ang updated na booster hindi bababa sa 2 buwan pagkatapos ng anumang bakuna o booster laban sa COVID.
- Puwedeng kunin ng mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon, na nakatanggap sa monovalent na bakuna ng Moderna, ang updated na booster ng Moderna.
- Puwedeng kunin ng mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 4 na taon, na nakatanggap na sa lahat ng 3 dosis ng monovalent na bakuna ng Pfizer, ang updated na booster ng Pfizer hindi bababa sa 2 buwan matapos nilang makumpleto ang kanilang pangunahing serye. Puwedeng kunin ng mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 4 na taon, na nakatanggap na sa unang 2 dosis ng monovalent na bakuna ng Pfizer, ang updated na bakuna ng Pfizer bilang kanilang ika-3 dosis.
- Dapat kang magpaturok ng updated na booster kahit na nakatanggap ka na ng booster shot dati.
Sa ilang sitwasyon, ang mga taong hindi puwedeng makatanggap ng updated na booster ay puwedeng makatanggap ng booster ng Novavax. Para matanggap ang booster ng Novavax, ikaw dapat ay:
- 18 taong gulang pataas
- Nakakumpleto na ng pangunahing serye ng bakuna laban sa COVID-19 nang hindi bababa sa 6 na buwan ang nakalipas
- Hindi pa nakakatanggap ng anumang iba pang dosis ng booster
Para i-book ang iyong booster shot o maghanap ng klinika kung saan puwedeng mag-walk in, bumisita sa My Turn.
Tingnan kung bakit ka hinihikayat ng CDC na manatiling up to date sa iyong mga bakuna.
Magbasa pa tungkol sa mga detalye ng booster at mga tanong at sagot tungkol sa boostermula sa CDPH.
Mga karagdagang dosis
Puwede sa dagdag na dosis ng bivalent na bakuna ng Pfizer o Moderna ang mga taong may mahinang immune system.
Kasama rito ang mga taong:
- Tumatanggap ng mga aktibong paggamot sa cancer para sa mga tumor o cancer sa dugo
- Sumailalim sa organ transplant at gumagamit ng gamot para i-suppress ang immune system
- Sumailalim sa stem cell transplant sa loob ng nakalipas na 2 taon o gumagamit ng gamot para i-suppress ang immune system
- Mayroong hindi malubha o malubhang immune deficiency (gaya ng DiGeorge syndrome, Wiskott-Aldrich syndrome)
- Mayroong advanced o hindi nagagamot na impeksyong HIV
- Tumatanggap ng matataas na dosis ng corticosteroids o iba pang gamot na nagsu-suppress sa immune response
Puwedeng magkwalipika sa isa pang dosis ng bivalent na bakuna ang mga batang may edad na 6 na buwan pataas na may mga ganitong kundisyon.
Makipag-usap sa iyong doktor para malaman kung tama para sa iyo ang pagtanggap ng karagdagang dosis. Kung natutugunan mo ang mga pamantayang ito, puwede mong i-book ang iyong shot sa My Turn.
Tingnan ang mga tanong at sagot tungkol sa mga karagdagang dosis.
Digital na vaccine record
Makakakuha ka na ngayon ng digital na kopya ng iyong talaan ng pagbabakuna. Tinatawag itong Digital na Talaan ng Bakuna (Digital Vaccine Record, DVR). Available ito sa iyo kung:
- Sa California ka nagpabakuna, at
- Tumutugma ang iyong impormasyon sa nakatala sa mga sistema ng pagbabakuna ng estado.
Matuto tungkol sa iyong digital na talaan ng bakuna.
Mga side effect
Matapos mabakunahan para sa COVID-19, maaari kang makaranas ng mga hindi malubhang side effect. Ito ay mga normal na senyales na gumagawa ng immunity ang iyong katawan. Bihirang nangyayari ang mga mas malubhang side effect.
Mga hindi malubhang side effect
Kasama sa mga karaniwang hindi malubhang side effect ang:
- Pananakit, pamumula, o pamamaga ng pinagturukan
- Pakiramdam ng pagkapagod, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, mga panginginig, lagnat, o pagduruwal
Posibleng makaapekto ang ilang side effect sa kakayahan mong gumawa ng mga pang-araw-araw na aktibidad, pero mawawala ang mga iyon makalipas ang ilang araw. Ang ilang tao ay walang side effect.
Mga bihira pero malubhang side effect
Pamumuo ng dugo
Sa ilang pagkakataon, nakakaranas ng pamumuo ng dugo na may mababang bilang ng mga platelet ang mga babaeng wala pang 50 taong gulang na kumukuha sa bakuna ng Johnson & Johnson. Hindi nakikita ang panganib na ito sa ibang bakuna laban sa COVID-19. Basahin ang Fact Sheet ng CDPH: Mga Benepisyo at Panganib sa Bakuna ng Johnson & Johnson.
Myocarditis at pericarditis
May ilang kabataan nang nakaranas ng pamamaga ng kalamnan sa puso o membrane pagkatapos mabakunahan ng Pfizer o Moderna, o Novavax. Napakabihira nito. Ayon sa CDC, mas matimbang ang mga benepisyo ng pagbabakuna laban sa COVID-19 kaysa sa mga panganib nito.
Puwedeng pag-isipan ng ilang tao na maghintay nang 8 linggo sa pagitan ng mga dosis ng Pfizer, Moderna, o Novavax. Kapag mas malaki ang agwat sa pagitan ng mga dosis, posibleng mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng myocarditis. Ang mga lalaking edad 12-39 ang maaaring pinakamakinabang sa paghihintay nang 8 linggo.
Pag-uulat ng mga side effect ng mga bakuna
Kung nakaranas ka ng side effect matapos mabakunahan laban sa COVID-19, puwede mo itong iulat sa:
- VAERS (Vaccine Adverse Event Reporting System)
Kailan dapat tumawag sa doktor
Sa karamihan ng mga kaso, ang kawalan ng ginhawa dahil sa nararamdamang sakit o lagnat ay normal na palatandaang bumubuo ang iyong katawan ng proteksyon. Makipag-ugnayan sa iyong doktor o provider sa pangangalagang pangkalusugan kung:
- Lulubha ang pamumula at pananakit sa pinagturukan sa iyon pagkalipas ng 24 na oras
- Nakakabahala na ang iyong mga side effect o mukhang hindi nawawala ang mga ito pagkalipas ng ilang araw
Kung magpapabakuna ka laban sa COVID-19 at sa palagay mo ay nagkakaroon ka ng malalang reaksyon, humingi kaagad ng medikal na pangangalaga sa pamamagitan ng pagtawag sa 911. Matuto pa tungkol sa mga bakuna laban sa COVID-19 at bihirang malubhang allergic na reaksyon.
Magbasa pa sa Mga Posibleng Side Effect Pagkatapos Magpaturok ng Bakuna Laban sa COVID-19 ng CDC.
Mga tanong at sagot
Pagpapabakuna
Ilan ang kailangan kong dosis ng bakuna laban sa COVID-19, at gaano katagal ang pagitan ng mga ito?
Para sa lahat ng 6 pataas na hindi mahina ang immune system:
Pfizer at Moderna:
- Isang dosis ng bivalent na bakuna
Para sa Novavax:
- Dalawang dosis na 3-8 linggo ang pagitan
- Updated na booster shot pagkalipas ng 2 buwan
Ang mga taong 18 taong gulang pataas na hindi puwedeng makatanggap ng updated na booster ng Pfizer o Moderna ay puwedeng makatanggap ng booster ng Novavax. Maghintay nang hindi bababa sa 6 na buwan pagkatapos makumpleto ang iyong pangunahing serye bago tumanggap ng booster ng Novavax.
Ang mga taong may mahihinang immune system ay maaaring mangailangan ng mga karagdagang dosis sa iba't ibang panahon. Tingnan ang mga inirerekomendang bakuna ng CDC para sa mga taong may mahihinang immune system.
Basahin ang Mga booster shot at karagdagang dosis para malaman kung kwalipikado ka.
Kakailanganin ko ba ng booster na bakuna?
Pinakamahusay na napoprotektahan ang mga tao kapag naa-update nila ang kanilang bakuna laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagtanggap ng bivalent na bakuna. Kwalipikado ang lahat ng may edad na 6 na buwan pataas sa kahit isa lang na bivalent na bakuna. Kwalipikado rin sa isa pang bivalent na bakuna ang mga taong may malaking posibilidad na magkasakit — kasama ang mga taong may edad na 65 taon pataas, at edad na 6 na taon pataas na may mahinang immune system.
Inirerekomenda ng CDC ang mga karagdagang dosis ng Pfizer o Moderna para sa mga may mahinang immune system. Kasama rito ang mga:
- Tumatanggap ng mga aktibong paggamot sa cancer para sa mga tumor o cancer sa dugo
- Sumailalim sa organ transplant at gumagamit ng gamot para i-suppress ang immune system
- Sumailalim sa stem cell transplant sa loob ng nakalipas na 2 taon o gumagamit ng gamot para i-suppress ang immune system
- Mayroong hindi malubha o malubhang immune deficiency (gaya ng DiGeorge syndrome, Wiskott-Aldrich syndrome)
- Mayroong advanced o hindi nagagamot na impeksyong HIV
- Tumatanggap ng aktibong paggamot gamit ang mga high-dose corticosteroid o iba pang gamot na nagsu-suppress sa immune response
Posibleng magkwalipika para sa isa pang dosis ng Moderna ang mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon, na may mga ganitong kundisyon, na Moderna ang natanggap na pangunahing serye. Kapareho dapat ng mga karagdagang dosis ang bakuna sa pangunahing serye.
Makipag-usap sa iyong doktor para malaman kung tama para sa iyo ang pagtanggap ng karagdagang dosis. Kung natutugunan mo ang mga pamantayang ito, puwede kang magpa-book ng iyong dosis sa My Turn.
Tingnan ang mga tanong at sagot tungkol sa mga karagdagang dosis.
Puwede bang magkakaibang bakuna laban sa COVID-19 na mula sa iba't ibang manufacturer ang kunin ko?
Oo, ang mga taong may edad na 6 na taon mahigit ay maaaring kumuha ng magkakaibang bakuna pagkatapos ng una nilang serye ng bakuna. Sa United States, ang ibig sabihin nito ay:
- Dalawang iniksyon ng orihinal na bakuna ng Pfizer, o isang dosis ng bivalent na bakuna;
- Dalawang iniksyon ng orihinal na bakuna ng Moderna, o isang dosis ng bivalent na bakuna;
- Dalawang iniksyon ng bakuna ng Novavax; o
- Isang shot ng bakuna ng Johnson & Johnson
Pagkatapos, puwedeng makatanggap ng alinmang updated na booster ang mga tao na 6 na taong gulang pataas. Sa ilang sitwasyon, ang mga taong 18 taong gulang pataas na hindi puwede o hindi gustong makatanggap ng updated na booster ay puwedeng makatanggap ng booster ng Novavax.
Posibleng mas gusto ng ilang tao ang bakunang natanggap nila dati, at ang iba naman ay puwedeng pumili ng ibang booster. Sa ngayon, pinapayagan ng mga rekomendasyon ng CDC ang ganitong uri ng paggamit ng magkakaibang bakuna para sa mga dosis ng booster.
Hindi pinapayagan ang pag-iiba-iba ng bakuna para sa mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon. Ang mga bata sa grupong ito ng edad na tatanggap sa bakuna ng Moderna ay puwedeng tumanggap ng booster ng Moderna, at ang mga bata sa grupong ito ng edad na tatanggap sa bakuna ng Pfizer ay puwedeng tumanggap ng booster ng Pfizer.
Paano kung sa labas ng Estados Unidos ako nabakunahan? Puwede ba akong magpabakuna o magpa-booster dito?
Oo. Ito ang inirerekomenda ng CDC:
- Kung sa labas ng U.S. ka nabakunahan gamit ang isang bakunang naaprubahan o awtorisado ng FDA, puwede kang kumuha ng:
- Pangalawang dosis,
- Booster na dosis, o
- Karagdagang dosis.
Dapat mong sundin ang pagiging kwalipikado at iskedyul ng U.S.
- Kung nakatanggap ka ng isa o parehong dosis ng isang bakunang Nakalista para sa Emergency na Paggamit (Emergency Use Listed, EUL) ng World Health Organization (WHO), puwede kang kumuha ng:
- Pangalawang dosis,
- Booster na dosis, o
- Karagdagang dosis ng bakuna ng Pfizer o Moderna.
Dapat mong sundin ang pagiging kwalipikado at iskedyul ng U.S.
- Kung hindi WHO-EUL ang natanggap mong bakuna laban sa COVID-19, dapat kang magsimula sa umpisa. Kumuha ng bakunang awtorisado ng FDA at sundin angiskedyul ng timing nito.
Ipaiskedyul ang iyong bakuna sa My Turn.
Magkano ang bakuna laban sa COVID-19?
Wala. Ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay walang bayad.
Residente ba dapat ako ng California para makapagpabakuna ako laban sa COVID-19?
Hindi. Batay sa edad ang pagiging kwalipikado sa bakuna. Ang pagiging residente o katayuan sa imigrasyon ay hindi mahalaga at hindi susuriin sa appointment mo para sa pagbabakuna.
Paano ko makakansela o mapapalitan ng iskedyul ang aking appointment para sa bakuna sa pamamagitan ng My Turn?
Kung kailangan mong kanselahin o iiskedyul ulit ang iyong appointment, puwede mo itong gawin sa page na Pamahalaan ang iyong mga appointment.
Hihilingin sa iyong kumpirmahin ang appointment mo sa:
- Iyong numero ng kumpirmasyon sa appointment, at
- Numero ng iyong cellphone o email address mo.
Nagkaroon na ako ng COVID-19. Dapat ba akong magpabakuna laban sa COVID-19?
Oo. Inirerekomenda ng CDC na magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga taong nagkaroon na ng COVID-19.
Hindi namin alam kung gaano katagal tumatalab ang proteksyon bago ka maimpeksyon ulit pagkatapos mong gumaling dito. Ang mga taong mababakunahan matapos maimpeksyon ay magkakaroon ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Sa isang pag-aaral, dalawang beses na mas malaki ang posibilidad ng mga taong hindi pa nababakunahan na dati nang nagkaroon ng COVID-19 na magkaroon ulit nito kumpara sa mga taong kumpleto na sa bakuna.
Puwede ba akong mabakunahan laban sa COVID-19 habang may sakit na dulot ng COVID-19?
Hindi. Hintaying gumaling ka at matugunan mo ang mga pamantayan sa pagtatapos sa pag-isolate. Nalalapat din ang gabay na ito sa mga taong mahahawahan ng COVID-19 sa pagitan ng kanilang una at pangalawang dosis.
Madali bang makakapunta sa mga site ng pagpapabakuna laban sa COVID-19?
Oo. Kinakailangan ng lahat ng klinika para sa bakuna sa California na matugunan ang mga kinakailangan ng ADA.
Paano ako makakakuha ng bakuna laban sa COVID-19 sa bahay?
Kung ikaw ay nanghihina dahil sa karamdaman o kung mayroon kang mga isyu sa mobility, posible kang maging kwalipikadong mabakunahan sa bahay. Makipag-ugnayan sa iyong doktor o lokal na departamento sa kalusugan. Puwede ka ring tumawag sa 211.
Ang mga residente ng County ng LA (maliban sa Long Beach at Pasadena) ay puwedeng Humiling na Makatanggap ng Bakuna Laban sa COVID-19 sa Bahay. Kung kailangan mo ng tulong o mayroon kang mga tanong, tumawag sa 833-540-0473. Bukas ang linyang ito araw-araw mula 8:00AM-8:30PM.
Simula Agosto 31, 2022, hindi na mag-aalok ang My Turn ng mga pagbabakuna sa bahay.
Paano ako makakakuha ng transportasyon papunta sa isang lugar para sa pagbabakuna?
Kung wala kang paraan para makapunta sa isang lugar para sa pagbabakuna, puwede kang magkaroon ng libreng transportasyon sa pamamagitan ng:
- My Turn, o
- Sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline ng estado para sa COVID-19 sa 1-833-422-4255.
Kasama sa mga opsyon sa transportasyon ang:
- Transportasyon gamit ang sasakyan para sa mga ambulatoryong pasyente
- Hindi emergency na medikal na transportasyon para sa mga hindi ambulatoryong pasyente, kasama ang
- Mga van kung saan puwede ang wheelchair
- Transportasyong may gurney, at iba pang opsyon.
Puwede ka ring makipag-ugnayan sa iyong doktor, lokal na departamento sa kalusugan, o parmasya.
Kung mayroon kang pinapamahalaang pangangalaga sa Medi-Cal, puwede kang makahanap ng masasakyan sa pamamagitan ng iyong planong pangkalusugan o doktor. Makipag-ugnayan sa departamento ng serbisyo sa miyembro ng iyong plano para magtanong tungkol sa transportasyon.
Kung kukunin mo ang Medi-Cal sa pamamagitan ng Fee-for-Service (FFS), makukuha mo ang isang listahan ng transportasyon sa iyong county. Direktang makipag-ugnayan sa kanila para maisaayos ang transportasyon sa iyong mga appointment.
Kung wala kang provider, matutulungan ka ng Department of Health Care Services (DHCS). Mag-email sa kanila sa DHCSNMT@dhcs.ca.gov. HUWAG maglagay ng personal na impormasyon sa iyong unang email. Sasagot ang staff ng DHCS sa isang secure na email, na humihingi ng higit pang impormasyon.
Kung kailangan mo ng mga medikla na transportasyong hindi pang-emergency, ipaalam ito sa iyong doktor. Puwede nilang irekomenda ang serbisyong ito at iugnay ka sa transportasyon.
Ano ang aasahan pagkatapos ng pagbabakuna
Ano ang tinatanggap bilang katibayan ng pagpapabakuna?
Tinatanggap ang sumusunod:
- Orihinal na card ng talaan sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ng CDC ng Departamento ng Kalusugan at Mga Serbisyong Pantao (Department of Health and Human Services, DHHS), na may:
- Pangalan ng nabakunahang indibidwal
- Petsa ng kapanganakan
- Uri ng ibinigay na bakuna
- Lot number
- Petsa kung kailan ibinigay ang huling dosis
- Bahaging tinurukan
- Larawan o aktwal na kopya ng iyong orihinal na card ng talaan sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ng CDC ng DHHS
- Larawan ng iyong card ng talaan sa pagbabakuna na naka-store sa isang telepono o iba pang electronic na device
- Aktwal o digital na dokumentasyon ng form ng pagbabakuna mula sa isang provider ng pangangalagang pangkalusugan o iba pang issuer.
- Isang Digital na Talaan ng Bakuna (Digital Vaccine Record, DVR).
Basahin ang Mga Alituntunin at Pamantayan sa Talaan ng Bakuna ng CDPH para sa kumpletong detalye.
Ano ang ibig sabihin kapag sinabing nakumpleto mo na ang pangunahing serye?
Itinuturing na nakumpleto na ng mga taong may edad na 6 na taon pataas ang kanilang pangunahing serye ng bakuna laban sa COVID-19:
- Pagkatapos nilang makatanggap ng dalawang dosis sa 2 dosis na serye (orihinal na Pfizer, orihinal na Moderna, o Novavax), o
- Pagkatapos nilang makatanggap ng bakunang may iisang dosis lang (bivalent na Pfizer, bivalent na Moderna, o Johnson & Johnson).
Ang mga batang may edad na 6 na buwan hanggang 5 taon ay itinuturing na nakumpleto na ang kanilang pangunahing serye ng mga bakuna laban sa COVID-19:
- Pagkatapos nilang makatanggap ng dalawang dosis sa 2 dosis na serye ng Moderna
- Pagkatapos nilang makatanggap ng tatlong dosis sa 3 dosis na serye ng Pfizer (6 na buwan – 4 na taon)
- Pagkatapos nilang makatanggap ng isang dosis ng bivalent na bakuna ng Pfizer (5 taon)
Kailan magiging napapanahon ang iyong mga bakuna laban sa COVID-19?
Ang mga tao ay itinuturing na napapanahon sa kanilang mga pagpapabakuna laban sa COVID-19 kapag:
- Nakakumpleto na sila ng pangunahing serye ng bakuna laban sa COVID-19, at
- Natanggap na nila ang pinakahuling dosis ng booster na inirerekomenda para sa kanila ng CDC.
Tingnan ang mga rekomendasyon ng CDC para sa pananatiling napapanahon.
Magpopositibo ba ako sa COVID-19 dahil sa bakuna laban sa COVID-19?
Hindi. Hindi ka magpopositibo sa mga pagsusuri ng virus dahil sa isang bakuna.
Kung makakagawa ang iyong katawan ng immune response, puwede kang magpositibo sa mga pagsusuri sa antibody. Ipinapakita nitong posibleng mayroon kang proteksyon laban sa virus.
Paano mapoprotektahan ang aking privacy kung magpapabakuna ako laban sa COVID-19?
Lubos na pinaghihigpitan ng batas ng California kung paano puwedeng ibahagi ang personal na impormasyon. Pinipigilan ng estado na makilala ang mga indibidwal sa nakabahaging data.
Magbasa pa sa Kasunduan sa Paggamit ng Data ng California at Mga Madalas Itanong ng CDPH.
Dapat ko bang itabi ang aking COVID-19 vaccination record card?
Oo. Itabi ang iyong card ng talaan sa pagbabakuna sa isang ligtas na lugar para hindi ito mawala o masira.
Makakakuha sa portal ng Digital na Talaan ng Bakuna (Digital Vaccine Record, DVR) ng digital na kopya ng talaang ito. Kung nawala mo ang iyong papel na card, i-print out ang digital na talaan mo. Puwede mo itong gamitin sa anumang lugar kung saan maipapakita mo ang iyong papel na card.
Basahin ang Mga Alituntunin at Pamantayan sa Talaan ng Bakuna ng CDPH para sa kumpletong detalye.
Kung kukuha ako ng booster shot o karagdagang dosis, makikita ba ito sa aking digital na vaccine record?
Hindi awtomatikong lalabas ang mga ito sa iyong digital na talaan ng pagbabakuna. Kakailanganin mong pumunta sa portal ng Digital Vaccine Record para kumuha ng bagong QR code.
Maghintay ng 14 na araw para lumabas ang iyong bagong dosis sa California Immunization Registry bago ka kumuha ng bagong QR code.
Pagpapabakuna para sa mga bata
Kailangan ba ng mga provider ng pahintulot ng magulang bago magturok ng bakuna laban sa COVID-19 sa isang menor de edad?
Oo. Bago magbakuna ng isang menor de edad, dapat munang humingi ang mga provider ng bakuna ng pahintulot mula sa isang:
- Magulang,
- Legal na tagapangalaga, o
- Iba pang nasa hustong gulang na may legal na kustodiya.
May ilang pagbubukod:
- Hindi kailangan ng mga emancipated minor ng pahintulot ng magulang o tagapag-alaga para makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.
- Posibleng tumanggap ang mga provider ng nakasulat na pahintulot. Dapat ay mula ito sa magulang o legal na tagapag-alaga ng isang unaccompanied minor. Dapat kumpirmahin ng pahintulot na ito na natanggap ng magulang/tagapag-alaga ang Sheet ng Impormasyon sa EUA ng Pfizer o ang Sheet ng Impormasyon sa EUA ng Moderna..
- Katanggap-tanggap ang pahintulot sa pamamagitan ng telepono o video. Dapat kumpirmahin ng magulang/tagapag-alaga na natanggap nila ang Sheet ng Impormasyon sa EUA ng Pfizer o ang Sheet ng Impormasyon sa EUA ng Moderna. Puwede ring basahin ang sheet ng impormasyon sa magulang/tagapangalaga.
Dapat tanungin ng mga pamilya ang kanilang provider ng bakuna tungkol sa mga tinatanggap ng form ng pahintulot. Tingnan ang Gabay sa Pahintulot sa Menor de Edad para sa Bakuna ng CDPH para sa higit pang detalye.
Bakit ko dapat pabakunahan ang aking anak?
Tumataas ang mga kaso ng impeksyon ng COVID-19 sa mga bata. Dapat mabakunahan natin ang mga bata para maiwasan ang higit pang pagpapaospital at pagkamatay.
Poprotektahan ng mga bakuna ang mga bata mula sa pinakamalalang idudulot ng COVID-19. Puwedeng kasama rito ang MIS-C, pagpapaospital, at pagkamatay. Puwede ring mabawasan ng mga pagpapabakuna ang bilang ng mga taong madaling mahawahan ng COVID-19. Sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga batang 6 na buwan pataas, mas magiging ligtas ang mga pamilya habang bumabalik tayo sa mga bagay na gusto nating gawin.
Nagkaroon na ang aking anak ng mga reaksyon sa ibang bakuna. Dapat pa rin ba niyang kunin ang bakuna?
Oo, maliban na lang kung nagkaroon siya ng mga mapanganib sa buhay na allergic na reaksyon sa mga sangkap ng bakuna ng COVID-19. Bihira ang mga allergic na reaksyon sa mga bakunang ito. Makipag-usap sa doktor ng iyong anak bago siya magpabakuna kung nakaranas siya ng:
- Malubhang allergy
- Mga reaksyon sa bakuna laban sa trangkaso
Puwede bang pabakunahan ang mga batang mayroon nang dating kundisyon, tulad ng hika?
Oo. Ang mga bata ay puwede pa ring makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 kahit mayroon silang mga dati pang kundisyon sa kalusugan. Kausapin ang iyong doktor o klinika tungkol sa mga partikular na kundisyon ng iyong anak bago ipaiskedyul ang kanyang mga bakuna.
Bakit natagalan ang pag-apruba ng bakuna laban sa COVID-19 para sa mga bata?
Para sa mga dahilang pangkalusugan, ang mga bagong bakuna at gamot ay karaniwang ibinibigay muna sa mga nasa hustong gulang, na ganap nang na-develop ang mga immune system. Kapag nakita nilang ligtas at epektibo ang mga ito, ibinibigay ito sa mga bata.
Napatunayan sa mga klinikal na pagsubok na ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa COVID-19. Nagreresulta ang mga ito sa mahusay na antibody response sa mga batang tumatanggap sa mga ito.
Pagbabakuna sa mga empleyado
Isa akong employer at gusto kong tulungan ang aking mga empleyado na mabakunahan. Paano ko ito magagawa?
Nakasaad sa Toolkit ng Employer sa Pagbabakuna ang lahat ng impormasyong kailangan mo para:
- Makipag-partner sa mga lokal na provider para sa mga offsite na event sa pagbabakuna
- Humiling ng worksite na mobile na klinika
- Tulungan ang mga empleyado na makahanap at mag-book ng mga appointment sa pagbabakuna
- Magbahagi at mag-promote ng mga resource na sumusuporta sa mga empleyado sa pagpapabakuna
Puwede bang iutos ng isang employer ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 para sa lahat ng empleyadong pumapasok sa trabaho?
Oo, kung natutugunan ang ilang partikular na ipinag-aatas. Sa ilalim ng ADA, posibleng atasan ng employer ang lahat ng empleyado na matugunan ang isang pamantayan na:
- Nauugnay sa trabaho, at
- Natutugunan ang pangangailangan ng negosyo
Puwedeng may kasama itong pamantayang nauugnay sa kaligtasan, na nangangailangan ng bakuna laban sa COVID-19.
Kung hindi mababakunahan ang isang empleyado dahil sa isang kapansanan, posibleng hindi siya atasan ng employer na magpabakuna. Ang pagbubukod roon ay kung banta sa kalusugan o kaligtasan ng empleyado o ng ibang tao sa lugar ng trabaho ang hindi pagsunod ng nasabing empleyado.
Magbasa pa:
- Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa COVID-19 at ADA, ang Batas sa Rehabilitasyon (Rehabilitation Act), at iba pang Batas sa Patas na Oportunidad sa Trabaho (Equal Employment Opportunity, EEO)
- Gabay para sa mga negosyo sa California patungkol sa mga hakbang na pangkaligtasan laban sa COVID-19 at makatuwirang matutuluyan
Mga limitasyon sa bakuna
Kung magpapabakuna ako laban sa COVID-19, kakailanganin ko pa rin bang magpabakuna para sa trangkaso?
Oo. Hindi nagbibigay ng proteksyon laban sa trangkaso ang bakuna laban sa COVID-19.
Mayroon bang ilang partikular na populasyon na hindi dapat magpabakuna laban sa COVID-19? Paano naman ang mga taong may mga allergy?
- Kung nakaranas ka ng malubhang reaksyon sa isang mRNA na bakuna o sa mga sangkap nito:
- Huwag kunin ang bakuna ng Pfizer o Moderna.
- Tanungin ang iyong doktor kung puwede kang magpaturok ng bakuna ng Johnson & Johnson.
- Kung nakaranas ka ng malubhang reaksyon sa bakuna ng Johnson & Johnson o sa mga sangkap nito:
- Huwag nang kunin ito ulit.
- Tanungin ang iyong doktor kung puwede kang magpaturok ng bakuna ng Pfizer o Moderna.
- Kung nakaranas ka ng reaksyon sa unang dosis ng bakuna ng COVID-19, pero itinuring ito na hindi malubha ng iyong doktor:
- Malamang na makatanggap ka pa rin ng isa pang dosis ng parehong bakuna. Tanungin ang iyong doktor kung hindi ka sigurado.
- Kung allergic ka sa PEG:
- Huwag kunin ang bakuna ng Pfizer o Moderna.
- Tanungin ang iyong doktor kung puwede kang magpaturok ng bakuna ng Johnson & Johnson.
- Kung allergic ka sa polysorbate:
- Huwag kunin ang bakuna ng Johnson & Johnson.
- Tanungin ang iyong doktor kung puwede kang magpaturok ng bakuna ng Pfizer o Moderna.
Puwedeng magpabakuna ang mga taong may mga medikal na kundisyon kung hindi sila allergic sa mga sangkap ng bakuna. Matuto pa tungkol sa mga pagsasaalang-alang sa pagbabakuna para sa mga taong may mga dati nang medikal na kundisyon.
Para matuto tungkol sa mga sangkap sa mga awtorisadong bakuna laban sa COVID-19, tingnan ang
Kung buntis o nagpapasuso ako, dapat ba akong magpabakuna para sa COVID-19?
Oo. Lubos na inirerekomenda ng CDC na magpabakuna ka kung:
- Buntis ka,
- Posibleng buntis ka, o
- Nagpapasuso ka.
Kung magkakaroon ka ng COVID-19 habang buntis, mas malamang na maging malubha ang sakit mo. Tumataas din ang posibilidad na magkaroon ka ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis at premature na panganganak.
Ligtas at kapaki-pakinabang ang mga bakuna para sa iyo at iyong sanggol.
Makipag-usap sa iyong doktor kung mayroon kang mga tanong tungkol sa pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Para sa higit pang impormasyon, basahin ang:
Gaano katagal ako dapat maghintay bago ko kunin ang bakuna pagkatapos kong magkaroon ng COVID-19?
Inirerekomenda ng CDC na kung ikaw ay nagpositibo, may mga hindi malalang sintomas, at hindi ginamot, dapat kang:
- Hintaying bumuti ang iyong mga sintomas, at
- Tugunan mo ang mga pamantayan sa paghinto sa pag-isolate bago kunin ang bakuna laban sa COVID-19.
Pag-isipang maghintay nang 90 araw bago magpabakuna kung kagagaling mo lang sa pagkakaroon ng COVID-19. Hindi kinakailangang maghintay.
Puwede ko bang kunin ang bakuna para sa COVID-19 kasabay ng ibang bakuna?
Oo, puwede kang magpabakuna para sa COVID-19 at kumuha ng iba pang bakuna sa iisang pagbisita. Kasama rito ang bakuna laban sa trangkaso at mga routine na pagpapabakuna para sa mga bata. Matuto pa tungkol sa pagkuha ng mahigit sa isang uri ng bakuna.
Mga pagpipiliang bakuna
Puwede ba akong pumili sa pagitan ng iba't ibang bakuna laban sa COVID-19?
Oo. Sa My Turn at Vaccines.gov, makakapaghanap ka ng mga bakuna ayon sa manufacturer.
Basahin ang Pagpili sa Bakuna Laban sa COVID-19 na Naaangkop sa Iyo ng CDPH.
Kung kukuha ka ng booster shot, puwede mong piliing kumuha ng brand ng bakuna na iba sa orihinal mong natanggap.
Aprubado ba ng FDA ang mga bakuna laban sa COVID-19?
Puwedeng pahintulan ng FDA ang paggamit ng mga bakuna bago ang ganap na pag-apruba. Tinatawag itong Awtorisasyon sa Emergency na Paggamit (Emergency Use Authorization, EUA). Nagbibigay-daan ito sa amin na tumugon nang mabilis sa mga emergency na sitwasyon tulad ng pandemya.
- Ang bakuna ng Pfizer ay may EUA para sa paggamit sa sinumang may edad na 6 na buwan pataas
- Ang bakuna ng Moderna ay may EUA para sa paggamit sa sinumang may edad na 6 na buwan pataas
- Ang bakuna ng Johnson & Johnson ay may EUA para sa paggamit sa sinumang 18 taong gulang pataas
- Ang bakuna ng Novavax ay may EUA para sa paggamit sa sinumang 12 taong gulang pataas
Paano ko makukumbinsi ang aking pamilya at mga kaibigan na magpabakuna laban sa COVID-19?
Posibleng maging mahirap ang pakikipag-usap sa pamilya at mga kaibigan tungkol sa mga benepisyo ng pagpapabakuna laban sa COVID-19. Subukang makinig nang walang panghuhusga at tukuyin ang ugat ng kanilang mga alalahanin. Kasama sa mga bagay na dapat tandaan para makatulong sa pagbubukas ng talakayan ang:
- Pakikinig sa mga tanong nang may pang-unawa
- Pagtatanong ng mga tanong na walang iisang sagot para matuklasan ang mga alalahanin
- Paghingi ng pahintulot para magbahagi ng impormasyon
- Pagtulong sa kanilang malaman ang kanilang sariling dahilan para magpabakuna
- Tumulong na mangyari ang kanilang pagpapabakuna