Panggamot sa COVID-19
Huling na-update Hulyo 6, 2023 sa 4:05 PM
Libre, malawakang available, at mabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 sa pagpigil sa paglala ng sakit na dulot ng COVID-19. Ang lahat ng may edad na 12 taon pataas na may mga sintomas at magpopositibo sa COVID-19 ay dapat magtanong sa isang doktor tungkol sa pagpapagamot.
Sa page na ito:
- Paano maghanap ng panggamot
- Mga detalye ng panggamot laban sa COVID-19
- Kailan dapat magpagamot
- Tool sa Pag-access ng Mga Panggamot Laban sa COVID-19
- Higit pang impormasyon tungkol sa panggamot laban sa COVID-19
Paano maghanap ng panggamot
Kumilos kaagad. Pinakamabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 kapag sinimulan sa unang 5-7 araw pagkatapos magsimula ang mga sintomas. Libre ang mga gamot, anuman ang insurance o status sa pagkamamamayan, pero dapat kang kumuha ng reseta.
Kasama sa mga opsyon sa pagkuha ng reseta para sa gamot sa COVID-19 ang:
- Makipag-ugnayan sa iyong doktor, center para sa agarang pangangalaga, o provider ng insurance para magpa-appointment. Puwede magpa-appointment sa video o telepono.
- Tumawag sa pambuong-estadong hotline para sa COVID-19 sa 833-422-4255.
- Maghanap ng lokasyon ng Magpasuri para Makapagpagamot (Test-to-Treat) na malapit sa iyo. Makakapagbigay ang mga site na ito ng mga pagsusuri para sa COVID-19 at makakapagreseta rin ang mga ito ng mga gamot sa COVID-19. Para makakita ng site, gamitin ang Locator ng Magpasuri para Makapagpagamot para sa COVID-19.
- May ilang parmasyang puwedeng magbigay sa iyo ng reseta para sa pagpapagamot. Tumawag sa iyong parmasya para malaman kung iniaalok nila ang serbisyong ito.
Kung wala kang insurance o kung hindi gagana ang mga opsyon sa itaas:
Mag-click dito o tumawag sa 833-686-5051 para gumawa ng libreng appointment sa telepono o video sa pamamagitan ng serbisyo sa telehealth para sa COVID-19 ng California.
Tandaan: Kung hindi ka makakuha ng reseta sa iyong doktor, pero sa palagay mo ay kwalipikado ka para magpagamot, mag-click dito o tumawag sa 833-686-5051 para magpa-appointment sa telepono o video sa libreng provider ng telehealth para sa COVID-19 ng California. Puwede mo ring ipakita sa iyong doktor ang mga rekomendasyon ng CDPH sa pagpapagamot.
Mga detalye ng panggamot laban sa COVID-19
- Ang karamihan ng mga panggamot laban sa COVID-19 ay mga pill na inuuwi sa bahay. Libre ang mga gamot laban sa COVID-19 sa California. Hindi kailangang may insurance ka o mamamayan ka ng U.S.
- Pinakamabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 kapag sinimulan kaagad, sa unang 5-7 araw ng mga sintomas. Kung sa palagay mo ay mayroon kang COVID, huwag hintaying lumala ang mga sintomas.
- Ligtas at mabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 sa pagpigil sa paglala ng sakit na dulot ng COVID-19. Puwedeng mapaliit ng mga ito ang posibilidad na magkaroon ng malalang sakit, maospital, at mamatay mula sa COVID-19 nang kalahati o higit pa.
- Posibleng makatulong sa iyo ang mga gamot laban sa COVID-19 na mas maagang magnegatibo, at posibleng mapaliit ng mga ito ang posibilidad na magkaroon ng mga sintomas ng long COVID.*
- Inirerekomenda ang mga gamot laban sa COVID-19 para sa mga taong may edad na 12 pataas na may ilang partikular na kundisyon sa kalusugan o iba pang karaniwang salik na nagpapalaki sa posibilidad na magkasakit. Masasabi sa iyo ng isang doktor kung kwalipikado kang makatanggap ng mga gamot laban sa COVID-19 at kung aling uri ang pinakanaaangkop sa iyo.
- Mabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 nabakunahan ka man o hindi.
- Kung magpopositibo ka sa COVID-19, kung mayroon kang mga sintomas, at kung nakakatugon ka sa mga sumusunod na pamantayan, dapat kang magpagamot:
- Ikaw ay may edad na 50 taon pataas –O–
- Ikaw ay hindi pa nababakunahan o hindi up-to-date sa mga bakuna laban sa COVID-19 –O–
- Mayroon kang kundisyon sa kalusugan o iba pang salik na nagpapalaki sa posibilidad mong magkasakit. Kasama rito ang labis na katabaan, hika, diabetes, kawalan ng pisikal na aktibidad, paninigarilyo, mga kundisyon sa kalusugan ng pag-iisip gaya ng depresyon, pagiging bahagi ng isang minorya sa lahi/etnisidad, at higit pa. Matuto pa tungkol sa mga medikal na kundisyon na nagpapalaki sa posibilidad na magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19. Mag-click dito para sa higit pang impormasyon tungkol sa kalusugan sa pag-iisip at mga kundisyon ng mood.
* Ayon sa mga naunang ebidensya, posibleng mapaliit ng gamot laban sa COVID-19 na Paxloid ang posibilidad na magkaroon ng mga sintomas ng long COVID. Puwedeng tumagal ang mga sintomas na ito nang ilang linggo, buwan, o taon pagkatapos ng COVID-19.
Kailan dapat magpagamot
Dapat gamitin ang mga gamot laban sa COVID-19 sa unang 5-7 araw ng mga sintomas.
Kung mayroon kang mga sintomas ng COVID-19, magpasuri kaagad para sa COVID-19. Puwede ang mga resulta ng pagsusuri sa bahay. Mag-click dito para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagpapasuri.
Kung magpopositibo ka sa COVID-19, magpagamot kaagad. Huwag hintaying lumala ang mga sintomas. Manatili sa bahay at mag-isolate para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba. Kahit nabakunahan ka na o nagkaroon ka na ng COVID-19, dapat ka pa ring mag-isolate nang hindi bababa sa 5 araw. Alamin ang mga alituntunin sa pag-isolate.
Kung magnenegatibo ka sa pagsusuri pero mayroon ka pa ring mga sintomas, magpasuri ulit pagkalipas ng 24-48 oras. Puwedeng mapalampas ang kaunting virus sa unang bahagi ng pagkakahawa, at puwedeng ilang araw pa bago magpositibo sa pagsusuri.
Kung mayroon kang mga malalang sintomas ng COVID-19 kasama ang problema sa paghinga, pananakit ng dibdib, pagkalito, o kung nahihirapan kang manatiling gising, pumunta sa emergency room o tumawag kaagad sa 911.
Suriin ito. Gamutin ito. Malalabanan mo ito.

Libre, ligtas, at mabisa ang mga gamot laban sa COVID-19. Mapipigilan ng mga ito ang paglala ng sakit na dulot ng COVID-19 at ang pagkakaospital at pagkamatay. Malawakang available ang gamot at inirerekomenda ito para sa karamihan ng mga taong may edad na 12 taon pataas. Pinakamabisa ang mga gamot laban sa COVID-19 kapag nainom sa unang 5-7 araw ng mga sintomas.
Napatunayan nang napipigilan ng mga gamot laban sa COVID-19 ang paglala ng sakit na dulot ng COVID-19. Puwedeng mapaliit ng mga ito ang posibilidad na magkaroon ng malalang sakit, maospital, at mamatay mula sa COVID-19 nang kalahati o higit pa. Posibleng makatulong sa iyo ang mga ito na mas maagang magnegatibo sa pagsusuri. Ayon sa mga naunang ebidensya, posible ring mapaliit ng gamot laban sa COVID-19 na Paxlovid ang posibilidad na magkaroon ng mga sintomas ng long COVID.
Tool sa Pag-access ng Mga Panggamot Laban sa COVID-19
Gamitin ang Tool sa Pag-access ng Mga Panggamot Laban sa COVID-19 para sa tulong sa paghahanap ng mga gamot laban sa COVID-19.
Pantribong Tool sa Pag-access ng Mga Panggamot Laban sa COVID-19
Magagamit ng mga miyembro ng tribo sa California ang aming Pantribong Tool sa Pag-access ng Mga Panggamot Laban sa COVID-19 para makakita ng mga provider ng Pangangalagang Pangkalusugan sa Mga Indian na puwedeng makapagreseta ng gamot laban sa COVID-19.
Higit pang impormasyon tungkol sa panggamot laban sa COVID-19
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga panggamot laban sa COVID-19 at para sa tulong sa paghahanap ng panggamot, tumawag sa pambuong-estadong hotline para sa COVID-19 sa 833-422-4255.
Bukas ang pambuong-estadong call center 7 araw sa isang linggo:
- Lunes-Biyernes, 8:00 AM hanggang 8:00 PM Pacific Time
- Sabado at Linggo, 8:00 AM hanggang 5:00 PM Pacific Time
Matuto pa tungkol sa panggamot laban sa COVID-19:
- CDPH: Video – Suriin ito. Gamutin ito. Malalabanan mo ito. | Tungkol sa Mga gamot laban sa COVID-19
- CDPH: Top 5 Tips to Prevent Winter Viruses Fact Sheet (Sheet ng Impormasyon ng 5 Pangunahing Tip para Maiwasan ang Mga Virus sa Taglamig)
- CDPH: Mga Tool ng Komunikasyon para sa Mga Paggamot Laban sa COVID-19
- CDPH: Mga gamot laban sa COVID-19 Mga Katanungan at Kasagutan
- Mga Pagsasalin: Spanish, Chinese (Simplified), Chinese (Traditional), Tagalog, Korean, Vietnamese
- CDPH: Mga Resource ng Panggamot Laban sa COVID-19 para sa Mga Provider ng Pangangalagang Pangkalusugan
- FDA: Alamin ang Iyong Mga Opsyon sa Panggamot para sa COVID-19